De-intellectualizing the Post-colonial as a Literary Approach

Edward Said, the man who showed the problematique of orientalism as regards the treatment of Western Scholars of the oriental word.

De-intelektwalisasyon ng Lapit Post-kolonyal
(An essay written for and read during the student paper presentation. Translation can be provided upon request)

Sa isang institusyong pang-akademiko, bahagi ng malayang palitan ng mga kuru-kuro ang lapit post-kolonyal at ang ginagampanan nitong papel sa pagbibigay-kabuluhan sa mga bagay-bagay na naka-aapekto sa konsepto at pagpukaw ng kamalayan ng pagka-bansa.

Kung tutuusin, ang diskusyon ng lapit post-kolonyal ay lubhang nasagad na at nahimay na ang iba’t-ibang pananaw na nauukol dito; nagkaroon na rin ng matibay na pundasyon ang mga teorya nito na binigyang-buhay at itinaguyod ng mga naunang dalubhasa sa lapit post-kolonyal.

Ang lapit post-kolonyal ay lapit ng tunggalian ng mga diyalektikong nag-aasam na manatili sa sentro o dalhin ang kinalalagyan ng sentro sa ibang lunan. Sa madaling sabi, ito ay isang labanan ng lakas sa paraang intelektwal na nagnanais mapanatili o makuha ang sentro ng kapangyarihan.

Ipinakikita sa sanaysay ni Chinua Achebe na pinamagatang An Image of Africa: Racism in Conrad’s Heart of Darkness na ang uri ng liberalismong niyayakap ng tauhang si Marlow, kung saan itinuring ni Achebe bilang mismong katauhan si Conrad, ay sumasaklaw sa kabuuan ng kamalayan ng Inglatera, Europa, at Amerika. Ayon sa kanya, ang liberalismong ito ay nagkaroon ng iba’t-ibang wangis at anyo subalit nanatiling nasa labas pa rin ng usapin o problematik ang pagkakapantay-pantay ng puti at itim, o para sa
kabuuan ng sanaysay na ito, ng mga de-kolor. Idinagdag niya na hindi nag-ugat kay Conrad ang imahe ng Aprika, subalit ito ay isang kamalayang nagkaroon na ng matibay na pundasyon sa psyche ng mga Europeo–na ang tanging papel na ginampanan ni Conrad ay isalamin ang laganap na kaisipang laban sa mga itim sa kanyang likha. Sa kanyang matapang na konklusyon, ipinagsigawan ni Achebe na si Conrad ay isang panatikong rasista.

Nilalarawan sa sanaysay ni Achebe ang mga unang taon ng paglaganap ng teoryang post-kolonyal sa pagbasa ng panitikan at ang pagpanday sa kanyang lehitimong kinalalagyan bilang isa sa mga lapit na ginagamit sa pagbasa.

Sa pananaw ng isang de-kolor na mambabasang Third World, ang katauhan ni Achebe ay maihahalintulad sa pagdating ng isang mesiya na magliligtas sa kanya mula sa lawa-lawaang apoy ng Hades kung saan siya ay iniihaw sa init ng diskriminasyon at kawalan ng kakanyahang bukod-tangi at identidad na di maiuugnay sa kasaysayan ng pananakop.

Subalit ang ganitong pag-asam sa pagdating ng isang mesiya ay nanatiling isang pananaw na hindi pa namamasid ng abot-tanaw.

Ang naratibo ng post-kolonyal ay isang intelektwal na pagpapakabuluhan sa mga pangyayaring lumilikha sa isang bansa na may kasaysayan ng pananakop. Samakatuwid, ito’y isang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayaring bumuo ng kamalayang taal at di kailanman mabibigyang kahulugan ng isang pag-aaral na naka-base sa mga metodolohiyang binansagang “siyentipiko.” Ang kakatwang punto ito ay binigyang pansin ng Palistinong si Edward Said sa kanyang aklat na Orientalism kung saan pinabulaanan niya na ang mga pag-aaral na ito ay hindi maka-agham kundi mga deklarasyon ng pag-aari ng isang diktador na pamumuno. Ito’y nilikha mula sa mga sangkap ng rasismo na ginawang katanggap-tanggap at isinubo sa umaayong tagapanood.

Sinabi ni Said na karamihan sa mga estadong post-kolonyal at mga intelektwal nito ay naniniwala na kailangang magkaroon ng kapangyarihan sa produksyon ng kaalaman at mabago ang mga imaheng umiiral sa pandaigdigang midya upang mabago ang mga paniniwalang patuloy na umiikot hinggil sa mga mahihirap na bansang nasa periphery habang walang ginagawa o anupaman sa pulitikal na antas kung saan nagmumula ang mga tunay na suliranin.

Pinuna rin ni Said ang konsepto ng historisismo sa perspektiba ng Europa, o sa pangkalahatan, ng mga kanluranin na anumang hindi naitala ng mga dalubhasa sa kanluran ay nangangahulugang “nawala” at mangangailangan ng isang taga-tuklas. Mula sa muling “pagkakatagpong” ito ipinanganak ang mga “taong walang nakaraan” na nagpasimula sa pag-aaral ng “siyensiya” ng Pandaigdig na Kasaysayan.
Ang pag-aaral sa mga punto ng post-kolonyal ay di nailimita sa naratibo ng lahi at akademiya, ito’y sumaklaw rin sa tunggalian ng diyelektiko ng feminismo kung saan nagkaroon ng natatanging bahaging ginampanan ang mga babaeng de-kolor na pinagtibay ng awtor na Indian. Sa sanaysay ni Gayatri Spivak na Three Women’s Texts and a Critique of Imperialism, kanyang pinutol ang ugnayan ng manunulat at teksto at nabigyan niya ng simpatetikong paglalagay sa sentro ang tauhang si Bertha Mason ng nobelang Jane Eyre ni Charlotte Bronte. Ito’y taliwas sa uri ng feminismong ipinaglalaban ng nobela kung saan ang kalayaan ng kanluraning babae ang sentro. Binigyang diin din ang papel na ginampanan ng mga imahe ng mirroring o pagwawangis ng isang tauhan sa isang tauhan bilang ekstensyon ng kanyang pagkatao.

Naging bahagi rin ng argumento ni Spivak ang pagpapatuloy ng kwento ng de-kolor na babaeng si Bertha Mason sa katauhan ni Antoinette Mason sa Wide Sargasso Sea at ang tuluyang pagpupunyagi at pagdiwang sa kabuuan ng isang babae sa romantikong nobelang Frankenstein ni Mary Wollstonecraft Shelley kung saan tuluyang nailantad ang nakakubling feminismo sapagkat hindi nito naisasambulat ang “mataas” na feminismo kung saan ang isang babaeng manunulat ay lumilikha ng mga tekstong para sa sa kapakanan ng kanluraning kababaihan lamang. Subalit ang ganitong pananaw ng “high” femenism ay hindi nagtagumpay sa pagbibigay pansin sa karahasang epistemiko dahil hindi nito ibinibilang ang mga babaeng de-kolor bilang kabahagi ng kanilang ipinaglalaban.

Ang post-kolonyal na pagsasalin ng modernity ay nakasalalay sa istrukturang performative at deformative na nangangahulugang paghahanap ng bagong lokus ng pagkakakilanlan ng pagsulat o isang bagong hybrid. Ito ang naging buod ng sanaysay ni Homi K. Bhabha na Race, Time and the Revision of Modernity. Ayon sa kanya, ang magkasabay na representasyon ng pagkakaiba ng kultura ay ang magiging balangkas ng “otherness” sa loob ng pangkalahatang diyalektiko. Anumang pag-aaral na transnayunal ay kailangang mabigyang kahulugan sa lokal at maalis ang anumang bahid ng kanyang katangiang transnasyunal. Kung walang pagbabago o pagpapalit ng lunan ng pag-uusap at shift sa talasalitaan, maaring maikubli ang istruktura ng kapangyarihan at mapanatili ito sa posisyon ng pamumuno.

Post-kolonyal sa loob ng silid-aralan

Isa mga kadalasang kritisismo ng mga nag-aaral ng lapit post-kolonyal bilang gabay sa pagbasa ng mga teksto ang lubhang maligoy nitong bukabularyo na humahadlang sa dapat sana’y epektibong metodolohiya ng pagpapakahulugan sa kilos ng isang tauhan habang siya’y gumaganap sa isang natatanging papel sa loob ng silid-aralan: bilang isang mag-aaral at sa kabilang banda bilang kritiko ng kasalukuyang panlipunang katotohanan.

Ang mimicry bilang paraan ng paggamit ng wika ng kontradiksyon ng makapangyarihang aktor upang bumuo ng hybrid na gaganap bilang instrumento ng pagtanggi ay hindi ganap na magpapaalpas sa isang tauhang may kasaysayan ng pananakop mula sa pagkakapiit sa kamalayang kolonyal sapagkat ang wika na kadalasang ginagamit ng mga pangunahing tagapagtaguyod ng post-kolonyal ay ang parehong wikang ginagamit din ng kanilang dating mananakop. Hindi ginagarantiya ng konsepto ng hybridity na tuluyang naasimila na sa taal na kultura ang mga salita o pariralang ginamit ng isang intelektwal ng post-kolonyal at walang nakakubling istruktura ng kapangyarihan upang muling maitayo ang haligi ng pananakop sa paraang hindi lantad, at patuloy na nalilikha ang di tiyak na identidad sa bahagi ng mga aktor na tumatanggap ng pagtuturo mula sa post-kolonyal.

Ang bahaging ginagampanan ng mga intelektwal sa naratibong ito ay lubhang mahalaga at nangangailangan ng masusing pag-aaral sapagkat sila ang nagtatakda ng mga alituntunin ng pagbasa ng teksto. Kung ang mga katutubong intelektwal ang humahawak ng kapangyarihan ng produksyon ng kaalaman maaring sila
rin ang maging kasangkapan ng mga nasa posisyon ng pamumuno upang itaguyod ang status quo na patuloy na aalipin sa mga tauhang may kasaysayan ng pananakop.

Hindi man tahasang sinabi ni Bhabha o ng mga nabanggit na mga tagapagtaguyod ng lapit na tanging ang mga intelektwal lang ang nararapat manguna sa produksyon ng kaalaman, subalit ang paraan ng kanilang paggamit ng wika upang maihatid ang kanilang mga punto ay lubhang matayog para sa isang ordinaryong kabahagi ng daynamiks ng klasrum—ang mga mag-aaral ng panitikan, at ang mga mag-aaral na walang pundasyon sa pag-unawa ng lapit. Ang isang baguhang mag-aaral na walang matibay na pundasyon sa mga lapit na ginagamit sa panitikan upang maging gabay sa pagbasa ng mga teksto ay siguradong maliligaw sa mga maligoy, kriptikong, at catachrestic na mga konsepto na mangangailangan ng post-modernong metodolohiya.

Sa isang lipunan kung saan masa ang bumubuo ng lakas paggawa, may bahagi sa pangkalahatang opinyon, at kaparte sa pambansang kaunlaran, isang mainam na suhestyon ang paglapit sa kanila sa diskusyon ng post-kolonyal at palayain ang mga teorya nito mula sa pagkakagapos sa intelektwal na lebel at hayaang maging kaparte ng naratibo ng masa ang naratibo ng post-kolonyal. Sa sanaysay ni Said, tinanggap niya na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng post-kolonyal nagkaroon ng lantarang pagkilala sa dalawang mahalagang problematik: ang una ay kung papaano makakahanap ng isang lunan kung saan makikilala ang pagkakaiba ng karanasan at ng identidad ng mga simunong may kasaysayan ng pananakop at ang kahalahagahan ng paghahanap ng isang magkaparehong lapit upang labanan ang mga humahadlang sa tuluyang dekolonisasyon; at kung paano makakaalpas sa “pulitika ng sisihan” habang hindi binabalewala ang mga katotohanan ng mapanlupig na pananakop ng mga dayuhan.

Sa pagkakataong ito, pinakilala ng Orientalism ang mga mahahalagang suliraning sisikaping tugunan ng sanaysay na ito: ang pagpapaganap o representasyon ng kultura, lipunan, at kasaysayan; ang tunggalian ng kapangyarihan at kabatiran; ang papel na ginagampanan ng intelektwal; at ang mga interogasyong may kinalaman sa mga uri ng teksto, teksto at konteksto, at teksto at ng kasaysayan.

Dalawang punto ang susuriin ng pag-aaral na ito: una ang tunggaliang nagaganap sa pagitan ng hegemony sa loob ng silid-aralan at ng kabatiran, at ang ikalawa ay ang papel na ginagampanan ng intelektwal upang simulan (at tapusin) ang diskusyon ng post-kolonyal.

Yes Prof.: Ang mga Mag-aaral na Naka-upo Bilang Salamin ng Bansa
Anumang transnasyunal na pag-aaral ng kultura ng isang taga-labas ay nangangailangang maisalin sa lokal, at ispisipiko, at alisin ito sa sentro nang sa gayon ay hindi ito maipako sa pagsasalin lamang ng ideolohiya at kultura. Kung gayon, ang kapangyarihan ng post-kolonyal na pagsasalin ay nakasalalay sa dalawang bagay: ang pagiging performative at deformative na kakanyahan ng kanyang istrukutra na hindi lang nakasalalay sa simpleng pagbabago ng buod na cultural nito kundi ang paglilipat ng mga pagpapahalaga nito sa pagitan ng dalawang kultura kung saang maipakikilala ang isang bagong locus ng pagsulat at pangingialam, na kung gagamitin ang salitang ginamit ni Bhabha, isang bagong hybrid gamit ang isang temporal split o time lag.

Sa naratibo ng daynamiks ng klasrum, ang ganitong metodolohiya ay hindi gagana sapagkat ang pagsasaling nagaganap, na pinangungunahan ng isang propesor, na kung titingnan sa hirarkiya ng kapangyarihan sa loob ng silid-aralan ay ang may hawak
ng simptomatiko ng pagsasalin, ay hindi nakakaalpas sa isang payak na paglilipat ng isang ideolohiyang taal. Ang mga estudyante na naka-upo sa kanyang harapan ay nananatiling tahimik na tagapakinig at naghihintay sa susunod na diskusyon ng mga salitang nananatiling kabahagi ng usaping hungkag. Kung walang transpormasyon ng lunan ng enunciation, maaaring ang mimetikong sentro ng usapin ay patuloy na itatago ang katotohanan at ang hegemonikong istruktura ng kapangyarihan ay naipananatili sa posisyon ng panunupil. Samakatuwid, hangga’t hindi nagkakaroon ng depormasyon ang mismong naratibo ng post-kolonyal sa loob ng silid aralan at nananatiling tagalabas ang mga mag-aaral, hindi ito makakatugon sa performative na aspeto ng lapit. Kung susuriin sa kabuuan, napalitan ng mga mag-aaral na taga-labas ang isang di-naitalang kasaysayan na isang aspeto ng time-lag, isang paraan ng paulit-ulit at reinskripsyon na naglalarawan ng isang ambivalent na pagkakakilanlan sa loob ng isang historical temporality ng isang makabagong pambansang kultura na sa loob ng kultural na kasaysayan ng isang makabagong (kung hihiramin ang salita ni Benedict Anderson) imagined community.

Dito nagsisimulang maging bahagi ng diskusyon ang isang dating di- kabilang at di-nauunawaang grupo at ikatawan ang kanilang mismong mga sarili sa isang lunang pulitikal at intelektwal, na dati’y itinuturing silang taga-labas. Sa pagkakataong ito pumapasok ang produksyon ng kaalaman. Subalit hindi ito magiging posible hangga’t hindi naipalalaganap ang mga materyal ng kasaysayan at hindi ito magagawa hangga’t hindi tuluyang naiintindihan ng simuno na walang kabatiran hangga’t hindi sila lumalaban upang palayain ang sarili mula sa mga sistemang reductive, pragmatic, at functionalist.

Daw Piho Ba: Pagganap ng mga Intelektwal sa Natatanging Papel


Karamihan sa mga mahihirap na mga estadong post-kolonyal at ang kanilang mga intelektwal, ayon kay Said, ay nahuhulog sa maling konklusyon na nangangailangang magkaroon ng kontrol sa produksyon ng kaalaman sa ugat nito o pagbutihin, baguhin o dili kaya ay dagdagan ang mga imahe sa pandaigdigang merkado ng midya na kasalukuyang umiikot habang walang ginagawa o anupaman upang baguhin ang sitwasyong pulitikal kung saan ang mismong mga kaalaman at mga imahe ay nagmumula at nakasalalay.
Subalit ang ganito ka-liwanag na naratibo ay hindi na bibigyang pansin ng sanaysay na ito sapagkat masyadong talamak na at ginasgas na ang mga ito ng paulit-ulit na pagpapalabas sa midya ng korupsyon, pagdedeklara ng digmaan para sa langis ng Gitnang-Silangan, paniniil at pang-aabuso sa mga karapatang pantao; lahat ng ito ay nangyayari sa ngalan ng pamabansang seguridad o makabayang paglaban sa imperyalismo.

Pinuna ng parehong si Bhabha at Said, at kung isasali si Spivak sa kanyang uri ng feminismo, ang “pagkawala” ng kasaysayan ng isang grupo ng tao kung saan nakaligtaang maidokumento o mailarawan ang kanilang paraan ng pamumuhay hanggang sa dumating ang isang intelektwal (isang mesiya) at gawing parte ng kanilang pag-aaral, sa pamamagitan ng agham ng pulitika, ekonomiks, at linggwistks, ang mga “bagong-tuklas” na mga kaalaman na tinawag ni Eric Wolf bilang “people without history”.
Sa loob ng daynamiks ng klasrum sa isang pamantasan kung saan mayroong produksyon ng kaalaman patuloy na tinutuklas ng isang intelektwal ang mga pananaw sa lapit post-kolonyal at pinalalaganap ito sa naratibo ng lektyur hinggil sa lapit. Dito nagsisimula ang pagbibigay buhay sa maligoy na talasalitaan ng teorya na hiniram mula sa pag-aaral at bokabularyo ng post-modernismo. Ito ay ang pagwawangis sa tangkang pagbibigay buhay ng doctor na si Victor Frankenstein sa kanyang halimaw na tulad ng pagbibigay-buhay ng isang intelektwal sa mga konsepto ng post-kolonyal na para sa isang taga-labas ay patay at mabibigyang buhay lamang, hindi ng isang intelektwal kundi ng sariling pagkauhaw ng isang taga-labas sa kaalaman.

Churvahin kaya natin, Prof.?: Konklusyon


Ang isang kultura o ang mga bahagi nito ay naililipat at napapalaganap sa pamamagitan ng wika, hindi sa kanyang kabuuan kundi sa mga bahagi nitong hinimay-himay bilang wika ng ispisipikong komunidad na may sariling kultura. sinasalin ng mga panitikang sinusulat at binibigkas ang imahe ng mundo. Ang wika, samakatuwid ay ang paraan ng pakikipag-ugnayan at ang mismong kultura. Sinasalamin ng wika ang paraan ng pamumuhay ng mga taong kabilang sa isang lipunan at sinasalamin naman ng kanilang kultura, sa pamamagitan ng panitikan, ang kabuuan ng mga pagpapahalagang ginagamit upang bigyang-kahulugan ang kanilang lugar sa daigdig. Ang wika, kung gayon ay di maihihiwalay mula sa konsepto ng sarili o ng bansa sapagkat ito ang nagbibigay kabuluhan sa sarili bilang isa sa mga signs sa komunidad ng tao na may natatanging anyo at karakter, may sariling kasaysayan, at pagkakaugnay sa kaluluwa ng mundo.
Ang mga subalterns o mga simuno na may kasaysayan ng pananakop ay nararapat na umagaw sa mga malalaking pangyayari o espektakulo ng modernity at sumulat muli ng bagong locus ng pag-iisip at pagsulat ng post-kolonyal sa pamamagitan ng paggamit ng wika sa kanilang katutubong naratibo na maaaring amalgamasyon ng mga pinaghalu-halong medyum sa loob ng klasrum at pagwaksi sa mga kriptikong talinhaga o catachresis sa Ingles.

Sa loob ng silid-aralan daynamikong naghaharap sa isang oposisyong ontolohikal ang intelektwal at ang taga-labas: kung gagamitin ang pananaw ng belatedness na ginamit ni Fanon upang ilarawan ang katotohanan ng pagiging de-kolor, ang oposisyon ng isang mag-aaral na nawala sa naratibo ng post-kolonyal at ang kanyang inutil na paghahanap sa liwanag, mga pangyayaring di mabibigyang-pansin—walang kabuluhan at halaga—mga pangyayaring hindi maituturing na espektakular.
Dito pumapasok ang tugon sa pulitika ng post-kolonyal na hindi simpleng pagtalikod sa mga bagay na kanluranin o ang pagbalik sa katutubong kinagawian bago pa dumating ang mga mananakop. Ang lapit post-kolonyal ay nakasalalay sa paggamit ng bagong naratibo at buksan ito sa isang bagong diskusyon gamit ang pananaw ng dating taga-labas.

Mga Pinaghalawan


Achebe, Chinua, An Image of Africa: Racism in Conrad’s Heart of Darkness, 1977
Bhabha, Homi K. Race, Time and the Revision of Modernity
Docherty, Thomas. Alterities: Criticism, History, and Representation. Oxford: Clarendon Press. 1996 Fuller, David; Waugh, Patricia, The arts and sciences of criticism. Oxford:Oxford University Press 1999 Gandhi, Leela, Postcolonial Theory a Critical Approach. New York: Columbia
University Press 1998 Said, Edward W., Orientalism Reconsidered
______________, Orientalism, New York: Vintage Books, 1979
Spivak, Gayatri C., Three Women’s Texts and a Critique of Imperialism

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s