Ang pagsulat ng Erotica at ang Panitikan

Katatapos ko pa lamang basahin ang aklat ng mga sanaysay ni Umberto Eco na pinamagatang How to Travel with a Salmon and Other Essays. Isa sa mga nakakawiling basahin ay ang bahagi kung saan tinuturuan niya ang kanyang mga mambabasa kung paano malalaman kung ang isang pelikula o babasahin ay malaswa, samakatuwid ay pornograpiko. Ayon sa kanya kapag ang isang sandali, halimbawa ay pagbubukas ng kotse, ay mas matagal kaysa sa karaniwang haba ng oras na iginugugol sa pagsasagawa ng mga ito, maari nang ituring na pornograpiko ang isang likha.Sa ganang akin, masasabing malaswa ang anumang bagay kapag hindi ito naaayon sa batas ng moderasyon. Maaari mang marami ang sumalungat sa pananaw ni Eco subalit kung susuriin ang susunod na talata, maaring maliwanagan tayo sa ibig niyang sabihin.

Hilda Koronel in a Lino Brocka film Insiang

BABALA: Ang sumusunod na talata ay naglalaman ng sensitibong tagpo. Gabayan po lamang natin ang mga batang mambabasa.

Kakapasok pa lamang ni Gilda sa banyo upang maligo. Sobrang maalinsangan nang araw na iyon, kaya naisipan niyang maligo nang matagal. Tanging siya at ang kanyang among si Dindo lamang ang naiwan sa bahay dahil ang kanyang among babae ay umalis dahil sa isang di malamang kadahilanan. Gamit ang kanyang manipis na puting tuwalyang, itinago niya ang kanyang kahubdan na kung minsan ay hinahawi ng hanging nagmumula sa electric fan na nakaharap kay Dindo habang nanonood ito ng basketball sa telebisyon. Napapatingin na lamang ang lalaki sa napapanood na eksena. Titig naman si Gilda na parang nanunubok at nginitian ang pinagpapawisang amo.

Pagpasok niya sa banyo, sadyang hindi niya isinara ang pintuan at nag-iwan ng maliit na giwang kung saan tanaw siya ng kanyang amo na kanina pa nanggigigil sa kanya. Makalipas ang ilang sandali, hindi na mapigil ni Dindo ang init na nadarama. Hinubad niya ang kanayang saplot at pinasok ang banyo upang sabayan sa pagligo si Gilda.

Kung susuriin ang kwento na katha ng imahinasyon ng manunulat ng blog na ito, mapapansing tatlong punto ang lumabag sa batas ng moderasyon: una, ang pagpasok ni Gilda sa banyo na kung isasama ang pagtakip niya sa kanyang katawan ng puting tuwalya at ang paglalakad sa harap ng amo habang hinahawi ito ng bentilador ay labis na mahaba kaysa sa mga pangyayari sa simpleng pagpasok sa banyo; ikalawa, ang pag-alis ng kanyang among babae sa isang di malamang kadahilanan ay mag-iiwan ng katanungan sa mambabasa “Nasaan siya?”; at pangatlo, ang alinsangan ng panahon na nagbibigay sa mga mambabasa ng impresyon na ito ang dahilan kung bakit naligo si Gilda at pumasok sa banyo na sobrang tagal at nauwi sa panunukso sa amo. Sa ganitong mga pagkakataon, ang mga pangyayaring hindi mahalaga ay napapahaba na nagdudulot ng sobrang senswalidad na nauuwi sa pagiging malaswa ng isang likha.

Sa pagkakataong ito, maari nang gawing hindi malaswa ang kwento:

Naligo si Inday.

Subalit sa puntong ito, sa pagkawala ng kalaswaan ayon sa depinisyon ni Eco, patay na rin ang kwento.

Advertisements