Buwan at ang bisekletang pula

Kung kailan laway na laway na akong sumulat, saka naman ako sinumpong ng tinatawag nila sa Ingles na writer’s block. Sa mga makababasa nito at nakaiintindi ng Filipino, mahihinuha sa bahaging ito pa lang ang lantarang kontradiksyon ng aking isinulat. Subalit kailanman’y di nawalan ng kontradiksyon ang aking pagkatao. Ako’y mukhang bobo na matalino. Mukhang demonyo pero santo. Lungkot na lungkot subalit sa loob ay nagdiriwang dahil sa kaligayahang bunga ng pamilya, taong minamahal ko, at mga pagkakataong dumarating upang tuparin ang mga pangarap na parehong maliliit at umaabot sa buwan. Mga kontradiksyong kabahagi na ng kung sino man ako.

bike1

Inabot ako ng sampung minuto bago ko nailabas mula sa looban ang aking bisekleta, nagsuot ng panlamig at inilubid ko sa akong leeg ang itim na scarf (natatawa ako habang isinusulat ko ito spagkat hindi ko pala alam kung ano sa Filipino ang salitang scarf). Makailang pedal lang, nakipagkarerahan na ako sa maingay na lansangan ng Hanoi. Para akong lumilipad; ang sarap ng pakiramdam ng dumadamping malamig na hangin sa pisngi ko. Sa ganitong mga pagkakataon nabubuo sa isipan ko ang mga magagandang bagay na nais kong isulat, dati noong bata pa ako sa piraso ng papel, ngayon sa keyboard na ng aking kompyuter.

Kita mo nga naman.

Kung ang mundo sana’y palaging singganda ng mga ilaw sa labas. Para sa isang laking probinsyang tulad ko, ang mga alaala ng aking kabataan ay alaala ng mga ilaw sa Dadiangas sa tuwing Pasko at pinapasyal kami ng aming mga magulang sa lungsod. Ngayong madalang na akong umuwi sa amin at ang buhay ko’y nakasentro na sa lungsod, hindi pa rin nawawala ang hiwaga ng mga ilaw. Naaakit pa rin ako sa iba’t iba nilang kulay na ni minsan ay hindi nabigong pasayahin ang puso ko.

Kung tutuusin, alam ko namang kakaunti lang ang kailangan ko upang maging masaya. Subalit kagaya ng mga kontradiksyong kinakaharap ko, hindi pa rin ako tumitigil sa paghahanap sa sukdulang kaligayahan. Sukdulan. Tulad ng mga maiikling kwentong binabasa ko, hindi ibig sabihin na bigo ang kwento kung wala itong sukdulan. Maaaring mapaligaya ako ng simpleng buhay na masaya, pero alam kong walang masama kung maglakbay ako at tantuhin kung ako talaga ang sukdulan.

Ito’y gaya ng pagpedal gamit ang bisekleta. Masayang maglakbay at lumipad habang dinadama ang malamig na ihip ng hangin. Ngunit mas buo ang kaligayan kung totohanang lumipad gamit ang bisekleta, lumipad hanggang umabot sa buwan at panoorin ang mundong lumulubog. At gamit ang bisekleta ay umikot-ikot sa mga maliliit na burol at gulod ng buwan habang sa abot tanaw ay ang mg bituing patay-sinding kumikindat sa di kalayuan.

Kita mo nga naman. Marahil ay dala lang ito ng antok at masidhing pagnanais na matulog, magpahinga sandali upang muling maglakbay bukas patungo sa kung saan man ako kayang dalhin ng aking pulang bisekleta.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s