“The Red Stairway” (1944)
Tempera on masonite, 16″ x 23 5/16″
Behn Shahn
Mag-isa akong kumain sa katabing fastfood ng gusaling tinitirhan ko, habang bumabagyo kahapon. Hindi ko alam kung mapapahalakhak ako sa mga senaryo sa harap ko: ang paggamit ng kandila ng mga crew dahil brownout, ang pagsandok ng iced tea dahil sa di pag-andar ng dispenser, ang mga na-stranded na pasahero na sumusilong sa kakapiranggot na atip sa ilalim ng estasyon ng MRT sa Boni, at ang nakapanlulumong pag-iisa ko na naman.
Isang linggo mula ngayon, aalis na naman ako papunta sa kung saan man ako dalhin ng aking wanderlust. Naisip kong para sa isang taong lumaki sa mga isla ng Pilipinas, likas na siguro sa akin ang pagkakaroon ng dugong lagalag kagaya ng siyam na milyong Pinoy na sa pagtantiya ko’y Antarktika na lamang siguro ang hindi pa nasasakop.
Ngunit ganito pala ang pakiramdam ng nang-iiwan. Akala ko dati, lahat pinapasan ng iniwan, lahat kargo niya; subalit ang hirap na parehong iniinda ng iniwan at nag-iiwan, magka-iba man ng batayan ay pareho nakasusugat at nakasasakit.
Ilang beses na akong umalis, at kadalasa’y di na bumabalik. Gustuhin ko mang pumirme, manatili, at magkaroon ng isang bahay na matatawag kong ‘bahay ko’ ay hindi maaari. Habambuhay na siguro akong di magpapati-anod sa agos.
May mga pagkakataong nalalasing ako sa pakiramdam ng kapanatagan, ng seguridad subalit paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na ‘John, you’re leaving soon.’ May mga naging kaibigan na hindi ko na magawang iwanan subali’t sa huli’t huli’y hanggang estasyon lamang pala ng tren, pantalan, o paliparan magwawakas ang lahat. May mga minahal din ako sa mga paglalakbay na ito. Ngunit gaya nang kadalasang nangyayari, aalis din ako pagdating ng umaga. May iilang kung sana’y pinigilan ang pag-alis ko, buong puso akong mananatili. Pero nabuo na sa isip nila na hindi na ako matitigil, at natanggap na nila ang katotohanag ito. Isa pa’y di rin ako sigurado kung mananatili ako kung sakaling nakiusap sila.
Gayunpama’y ako’y lilisan pa rin, at tanging ako lamang ang makapagsasabi kung kailan ko na gustong tuluyang manatili sa isang lugar kung saan hindi na ako bababa papunta sa katabing fastfood upang kumain at matawa sa kandila o sandok na gamit, o sa mga taong sumisilong sa ilalim ng tulay habang hinipan ng malamig na hangin ng bagyo, o sa pagkain ko nang mag-isa.
All Dada posters from http://ericceledonia.blogspot.com