Muling Pagbisita: Rebyung Panteatro ng Tatlong Dula

Ang rebyung panteatrong ito ay aking iniaalay sa kaibigan kong si Nikos na ngayon ay nasa bansang Thailand upang pansamantalang iwanan ang Maynila at kung anumang mga bagay na may kinalaman sa lugar na ito.

Bagama’t kadalasan ay nagkakasalungat ang aming mga opinyon sa mga bagay bagay, sisikapin kong maging obhektibo, ngunit alam kong ito’y imposible, nang sa gayon ay magkaroon ng atmospera ng pagkakaroon ng distansya at hindi iisipin ng aking kaibigan na ako’y gumagawa na naman ng isang editoryal patungkol sa mga bagay na dapat sana’y panatilihin na lamang sa kung ano at saan sila, gaya ng mga usapan sa Starbucks.

Binalak naming panuorin ang set na ito, subalit sa isang di inaasahang pagkakataong dulot ng di-miminsang pagmamadali at hindi pag-anda sa mga mumunting detalye ay iba ang set ng mga dula ang aming pinanuod. At dahil na rin sa pagkagusto kong ma-i-share sa kanya ang aking karanasang panteatro noong nakaraang gabi, minabuti ko nang sumulat patungkol sa tatlong dulang iyon na hindi na naming napanuod na magkasama.

Masasabi kong hindi nasayang ang ginawa kong paglalakad galing estasyon ng LRT sa Buendia papuntang Cultural Center of the Philippines (kulang-kulang ay tatlong kilometro) malapit sa Roxas Boulevard at ang di ko pagkain ng agahan at tanghalian upang makabili ng ticket na nagkakahalaga ng 200 piso. (Ang una’y hindi po pagmamalabis at naglakad talaga ako ng ganoon kalayo; ang ikalawa’y pagbibiro lamang po!)

Sa pagsulat ng mga rebyu sa ibaba, naisip ko ang kahalahagahan ng pagganap ng mga tauhan sa isang dula. Ang kagandahan ng kwento o kawalan nito ng kwenta ay nakasalalay ng malaki sa ng mga tauhan. Sa gayon, ang mga rebyung ito ay pagsibad sa kwento sa kabuuan at pagtingin sa pamamaraan ng actor at aktres sa tatlong dula.

Ang Kalungkutan ng mga Reyna (by Floy Quintos, directed by Floy Quintos)

Kung ako ang tatanungin, sa lahat ng mga napanood kong mga dula sa Virgin Labfest V, ito na siguro ang pinakamahusay ang pagkasulat at pagkaganap. Ang karakter ng reyna na si Yolanda Cadiz ay parang hinugot sa katotohanan ng bawat isa sa atin, isang karakter na puno ng buhay who can inspire pathos, rage, pity, pagka-inis at kung anu-anupang gamut of human emotions.. Isang lider na nabitag sa pagpapasakanya ng sobrang kapangyarihan, at ang pagdiskubre na hindi lamang magandang motibo ang kailangan upang mapatakbo ang isang bansa.

Queen

Lubhang makatotohanan ang kanyang pagganap na kung ilang beses akong nakaramdam ng paninindig ng balahibo – paano kung ganito nga mag-isip ang mga lider natin? paano kung itong mga bagay nga mismo ang kanilang itinuturing na pinakamahalaga: ang bagay na hairstyle sa kanila (apple cut ba o ang wastong tawag dito na bob cut)?

Ito’y kwento rin ng beauticiang si Marcel na iba ang pananaw sa kanyang trabaho, na ito ay isa ring bokasyon, na sa kabila ng “kabaliwan” ng reyna ay nanatili pa ring matapat hanggang sa huli. Lubhang kumplikado ang mga emosyong pinakita ni Marcel, mula sa kanyang pagdadalawang isip, pagkwestyon sa mga kakaibang pananaw ng reyna patungkol sa konsepto ng monarkiya, ang kanyang pagka-awa, hanggang sa kanyang lubusang pagkawak bilang tao sa katapusan ng kwento.

Bagama’t puno ng katatawanan ang kwento, ito’y umaapaw rin ng mapapait na parodya ng pulitika sa Pilipinas. Na sa huli’y di rin nakasalalay sa lider o sa uri ng pamahalaan mayroon ang isang bansa upang ito’y magbago at maging maunlad, na sinumang magmadali na baguhin ito gamit ang mga mababaw na pamamaraan ay naitadhanang mabigo, na ang mga mamamayan pa rin nito ang magdidikta kung kailan at sa paanong paraan nila gustong magbago. Sapagkat ang pagbabago, sa monarkiya man o demokrasya, ayon kay Marcel, ay nangangailangan ng libong taon at hindi ang basta-bastang pagbabago ng istilo ng buhok, pagpatong ng koronang hitik sa hiyas sa ulo ng isang isang reyna, o pagtugtog sa marching tune ng kantang Somewhere Over the Rainbow ni Judy Garland.

Bukod sa paraan ng panulat, maingat at detalyado rin ang paggamit ng direktor sa ilaw. May mga puntong nagdudulot ng takot ang mukha ng reynang si Yolanda dahil sa ilaw na nakapwesto sa bandang paanan niya, at sa ibang panaho’y awa o dili kaya’y pagkatuwa.

Ang dulang ito ay naging epektibo dahil sa magaling na pagsasama ng katatawanan at opinyong pulitikal. Ito’y epektibo dahil sa paggamit nito ng naratibong alam nating interesado tayong lahat, kwento ng mga taong naka-upo sa trono. Ito’y epektibo dahil sinagot nito ang ating mga mabababaw na katanungan: ano kaya ang mga pinag-uusapan ng mga lider? ano kaya ang laman ng mga matters of state? ano kaya kung magkaroon ng reyna sa Pilipinas?

Parehong mabibigla at matatawa kayo sa mga kasagutan.

Uuwi na ang Nanay kong si Darna (adapted by Job Pagsibingan of the original Uuwi na ang Nanay kong si Darna by Edgar Samar, directed by Catherine Racsag)

Darna

Ang dulang ito ay mga kaganapan sa pantasya ng batang nasa elementarya patungkol sa kanyang nanay na nagta-trabaho bilang domestic helper sa Hong Kong o Japan. Masining ang ginamit na pamamaraan sa pagbuo ng set kung saan sa isang bahagi ng entablado ay nagku-kwentuhan ang mag-ama samantalang sa isang bahagi naman ay ang nanay na nakikipaglaban sa mga ‘kalaban’: mikrobyo sa bahay, dumi sa mga damit, at pagpapatahan sa kanyang alagang bata.

Simple ang kwento at walang masyadong aasahang pagsibad sa mga kwentong panlipunang kinakaharap ng pamilyang nahiwalay dahil sa pagta-trabaho ng isa o parehong mga magulang. Ang ganitong treatment ay husto lamang para sa isang kwento nagaganap sa pantasya ng isang paslit, sa ganang akin.

Ang pinakamalaking puna at ang mismong pinakamabigat na kahinaan ng dulang ito ay sa teknikal na aspeto. May mga pagkakataong wala sa tamang timing ang pag-iilaw, o ang pagtunog ng mga sound effects; kung minsa’y ang mga effects na ito’y di lumalabas kung kailan pinaka-kailangan sila ng tagpo. Lubhang mahaba at paulit-ulit ang mga labanan sa pagitan ng nanay at nang kanyang mga kalabang mikroboyo at dumi sa damit na sa huli pagkaumay na lamang ang mananatiling reaksyong makukuha mula sa mga tagapanood.

Isa ring malaking hadlang sa tuluyang konsumasyon ng dula ay ang kahinaan sa pag-arte ng lahat ng mga tauhan. Ang batang tauhan ay di-miminsang nauutal at halatang nakakalimot sa kanyang mga linya na buti na lamang ay ginagiya ng karakter ng kanyang ama. Hindi rin masyadong nagpakita ng emosyon ang nanay, na kung hindi sa kanyang maputing kili-kili na kung ilang beses pinakita, ay mananatiling flat ang karakter sa kabuuan.

Nangangailangan pa ng ibayong ensayo ang dulang ito.

Ang Bayot, Ang Meranao, at ang Habal-habal sa isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte (by Rogelio Braga, directed by Nick Olanka)

Para sa isang galing sa Mindanao, aaminin ko pinaka-kritikal ako sa dulang ito na tinangkang sagutin ang mga tanong patungkol sa kinalalagyan ng Mindanao sa Pilipinas at ang naratibo ng diskriminasyon sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano, taga-itaas at taga-ibaba, taga-bundok at taga-patag, taga-Mindanao at taga-Maynila, mga bakla at straight.

Ang dalawang tauhan: si Bambi at Christian o Jamid, minsan sa kanilang mga buhay, ay parehong naging biktima ng diskriminasyon sa iba’t iba nitong mukha. Si Bambi bilang bayot na taga-labas, at si Christian bilang Muslim na Maranao. Isang araw habang naghihintay ng masasakyan si Bambi papuntang opisina ng kanilang NGO sa itaas ng bundok ay nakilala niya ang mapilit at gwapong drayber ng habal-habal na si Christian. Sa pagpupumilit ng drayber na pasakayin si Bambi sa kanayang minamanehong sasakyan ay nauwi ang kanilang usapan sa mga isyung kinakaharap ng Mindanao, ng mga bakla, korupsyon sa pamahalaan, at mga pangmamata sa mga Muslim.

Lanao Lake

Sa kalagitnaan ng dula habang kung ilang beses bitawan ni Bambi ang katagang “putang ina! O puke ng ina!” hindi ako mapakali sa aking kinauupuan sapagkat nakaramdam akong sumobra yata sa dami ang pagkabanggit sa mga salitang ito. Kailanma’y di ako tumutol sa pagiging prangka ng mga tauhan sa pelikula man o dula, siguro’y dala na rin ng pagiging daynamiko ng midyum, subalit sa mga pagkakataong iyon ay hindi na naging kaayaayang paulit-ulit na marinig ang mga salitang iyon na binibitawan kung kailanman naisin ng tauhang si Bambi. It has completely dulled the effect of the otherwise emphatic expletive. Sa kabilang banda, magaling ang pagtangka ng karakter ni Christian na ibitaw ang kanyang mga linya na may tonong Maranao. Oo nga’t may mga pagkakataong eksaherado na ito subalit nagbigay ito ng kapansin-pansing contrast sa paraan ng pananalita ng dalawang tauhan.

May mga pagkakataon nawawala ako sa daloy ng kwento dahil sa sobrang daming isyung pinagpilitang ipasok ng manunulat ng dula sa kanyang dulang may isang tagpo. Ngunit masasabi kong mahusay pa rin ang kanyang paghabi sa kwento ng dalawang tauhan at kung paano sila nauuganay ng isang bagay: na sila’y parehong biktima ng diskriminasyon sa lipunang kinabibilangan nila.

Isang linya sa dula ang para sa aki’y lubusang inilahad ang tema ng gawang ito, na “sa buhay, may mga bagay na hanggang sorry na lamang talaga”. Na gaano man kalakas ang katagang putang-ina mo! upang daut-dauting ang isang putang nasa itaas ng puno na ang pangalang ay Gloria o maki-usap at magpumilit si Bambi na i-konsider ang application ni Jamid o Christian sa pinagtatrabahuhan niyang NGO, sadyang sorry na lamang ang makukuha nilang kasagutan.

Ang dulang ito, na halos ay magborder na sa pag-mo-moralize gaya ng karamihan sa mga dulang may kalakip na komentaryong panlipunan, ay nanatili pa ring matapat sa kanyang layunin – ang ilahad ang mga kwentong hindi na kadalasan pinakikinggan dahil ang mga taong kasangkot ay mga simpleng tao gayan ng isang bayot na naka-pink sunglasses o isang habal-habal driver ng isang motorsiklong Kawasaki na flat ang gulong.

14 thoughts on “Muling Pagbisita: Rebyung Panteatro ng Tatlong Dula”

    1. Oo naman. Mas mabuting magkaroon ng mukha sa likod ng mga sulat sa blog.

      At gusto ko ring makipagkamay sa nagsulat ng dula.

  1. Hindi ko na kaya. Galing mo magsulat sa Tagalog. Talo mo pa ‘ko pinanganak at lumaki sa Manila!

    Nakaka inis!

    Baka ma sweep mo lahat ng prize ni Gibbs! Mag tira ka naman para sa iba!

  2. Ogie,

    Lubos akong nagpapasalamat sa iyong pagbisita sa aking munting blog at sa iyong maagap na tugon. Aaminin kong baguhan ako sa teatro at mabibilang lamang sa daliri ang mga napanuod kong dula. Subalit pagdating sa mga hinaing ng Mindanao, tahimik lamang akong nakamasid at namumuna sa mga bagay-bagay. Karamihan sa mga isyu na kinakaharap ng Mindanao ay hindi taal sa lugar lamang, ito’y mga isyu rin ng mga tao rito sa Luzon o sa Bisayas. Subalit may mga kinakaharap itong mga pagsubok na tanging ang isang taga-Mindanao lamang ang makararamdam, gaya ng problematique ng character na si Jamid. Magkagayon man, nagpapasalamat pa rin ako sa iyong pagtangkang bigyang boses ang mga tao sa margin.

    Manunuod ako ng mga dula, at muling maglalakad galing Buendia papuntang CCP.

    John

  3. Magandang araw sa iyo, kaibigan.

    Una, nagpapasalamat ako sa iyong pagtangkilik sa Virgin Labfest at sa panonood ng mga dula na isinasalang ngayong taon. Natutuwa rin ako sa mga puna mo sa mga dulang ipinalabas maging sa aking dula, “Ang Bayot, Ang Meranao at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte.”

    Hinihikayat ako palagi ng mga kaibigang mandudula, na aking mga kaibigan, na magbasa ng blogs na sinusulat ng mga nakapanood ng mga dula. Ngunit lagi ko silang pinaaalalahan na babasahin lamang namin ang mga blog at hindi ito ito sasagutin o makikisali sa diskusyon. Ngunit sa pagkakataong ito, ako na mismo ang babali sa aking paalala dahil nabasa ko ang blog mo.

    Siguro sa lahat ng puna, komentaryo, at papuri na natanggap ko sa dulang ito ang sa iyo ang pinakamalapit sa aking intensiyon. Siguro, ang iniisip ko, dahil ikaw ay isang Mindanaoan. Siguro, bukas ang isip at puso mong pumasok sa tanghalan. At sinabi mo nga, kritikal kang pumasok sa tanghalan. Nakatutuwang isipin kasi na kung ganoo karaming paraan ng pagsusulat ng dula (na siyang layunin ng labfest) ganoon din karami ang paraan ng panood ng dula, at naniniwala ako rito. Nakuha mo kasi ang pait na nais na ipahatid ng linyang, “Siguro ganoon talaga, sa buhay may mga bagay na hanggang sorry na lamang.” Tama ka, kaibigan, na hindi ito pagpapatawad (‘healing’, ‘forgiveness’ o anumang binabanggit ng kung sino mang nais na magpataw sa mga Mindanaoan kung paano nila hihilumin ang kanilang mga sugat) at hindi ito linya na pagpapaubaya sa kapalaran.

    At sa mga ganitong pagkakataon, masaya na ako. Kahit na papaano. Lagi kong sinasabi na kahit isa lang sa mga manonood na lalabas na may dalang mga tanong at bagong perspektibong hihimayin, masaya na ako. Naniniwala kasi ako na ang dula ay hindi lamang tungkol sa mga nakabibighaning ‘effects’ at ‘theatrics’ at mas lalong hindi ito tungkol sa mga artista (na sabi ng isang artista sa akin kahapon sa lobby ng CCP.) Ang dula, para sa akin, ay isang perspektibo, isang pagwasak sa nakagawian pagtingin at paniniwala. Isang uri ng pagkukuwento. Isang Sining.

    Alam mo, kaibigan, hindi rin ako naging masaya sa pagpapalabas ng aking dula ngayong taon. Palagi kong sinasabi sa mga taong gumagamit ng aking dula, lalo sa aking direktor at mga artista, na ang mga kuwentong pinag-uusapan sa aking dula ay hindi ‘kasaysayan’: hindi ito nangyari sa nakaraan. Na ang pait, pagdadalamhati, kalungkutan na dinadala ng ating dula ay hanggang ngayon naririyan. Nararamdaman hanggang sa kasalukuyan. Na maging ang mismong naroroon (sa Mindanao) hindi nila masabi at mabigyan ng pinakatamang salita dahil sa sobrang pait ng karanasan. “Siguro ganoon talaga, sa buhay may mga bagay na hanggang sorry na lamang.” Lagi kong pinaaalalahanan na malaki ang responsibilidad natin sa pagkukuwento sa entablado. Ito rin ang inasahan ko sa aking direktor at sa mga artista sa entablado: Respeto.

    Bilang mandudula ng dula na iyong napanood, humihingi ako ng paumanhin sa nakita mo sa entablado. Humihingi ako ng paumanhin sa iyo, bilang ikaw na isang Mindanaoan, sa pagkukulang o pagmamalabis na nasaksihan mo sa entablado. Ngunit nais ko lamang na ipaalam sa iyo, na hindi iyon ang intensiyon ng aking likha. Hindi intensiyon ng aking mga likha na magpataw sa mga Mindanaoan kung paano nila hihilumin ang kanilang mga sugat; ang nais ko lamang ay isampa ang katotohanan, ang mga katotohanan, sa entablado sa entablado ng ating bayan.

    Inaanyayahan kitang panoorin ang aking dula ‘So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman’ ngayong Biyernes (8PM) at Sabado (3PM) at malugod kong tatanggapin ang iyong perspektibo: ogiebraga@yahoo.com.

    Mabuhay ang malayang pag-iisip.

    Daghang salamat.
    Ogie.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s